Friday, May 30, 2008

ANG HULING PARADA PATUNGONG HALL OF FAME

(October 13, 2007)

Wala na ngang natitira sa tangke. Matapos ang 12 rounds, malinaw kung saan na patungo ang karera ni Marco Antonio Barrera. Ang pamamahinga ay isang katotohanan at wastong desisyon lamang na ito’y yakapin. Hindi na siya ang parehong kampiyon ng nakaraang mga taon na may katulad na lagablab ang mga kilos, suntok at determinasyon sa ibabaw ng ring. Iniwan na siya ng mga ito; pahiwatig na kailangan na niyang iwanan ang daigdig na niyakap niya, at yumakap din sa kanya, sa loob ng maningning na 18 taon. Tapos na ang parada at kailangan na niyang magpaalam. Kailangan na niyang hubarin ang pares ng gloves.

118-109, 118-109, at 115-112 (teka, Barrera-Pacquiao ba ang pinanood ng Judge na ito?), malinaw na ipinakita ng mga scorecards ang naging hitsura ng laban: lubhang makaisang-panig. Bagamat apat na rounds (rounds 1,4,5 at 8) ang ibinigay ko kay Barrera sa huling laban niya, lubha pa rin itong makaisang-panig. Hindi na siya ang katulad na Barrera na nakipagpalitan ng mabibigat na kamao kay Erik Morales sa kanilang klasikong trilogy, ang Barrera na sistematikong nagpayuko kay Naseem Hamed sa isang labanang napaka-taktikal at lubhang-metodikal, o ang kilala nating Barrera na may hindi mababaling determinasyon upang manalo. Parang hindi siya ang naglalaro sa ring noong lingo ng Oktubre-7. Kunsabagay, ganito rin halos ang larawan noong 2003.

Gayunpaman, nakamamangha na hindi siya napatumba ni Manny Pacquiao, ang puncher na nagmamay-ari ng pinakamabagsik na kumbinasyon sa daigdig na boksing ngayon. Kung ito ang naging layon ni Barrera, ang lumaban hindi upang manalo kundi ang tapusin ang buong distansya ng 12 rounds, tagumpay siya. Masakit sa matang panoorin ang huling kalahati ng labang iyon para sa mga Barrera fans pagkat iisa lamang ang naglalaro upang manalo habang ang isa ay umiiwas upang hindi masaktan. Kung ito ay isang indikasyon, tapos na nga ang boksing para sa kanya.

Pero walang knock-out o knock-down, natutuwa ako doon. Ang lahat ng mga dakilang boksingero ay may mga huling mahuhusay na laban o ang parada ng pamamaalam sa ibabaw ng ring. Kung ang pananatiling nakatayo sa kanyang mga paa sa kabuuang distansya ng laban ang paradang iyon, mahusay na gabi pa rin. Hindi ko kukuwestiyonin ang puso ng Baby-Faced Assassin. Ang Hall-of-Fame ay isang masayang hantungan.

Sa kabila ng umaabanteng edad at tila-gastadong katawan, may mga sandali pa rin sa laban na nagpapakita na ang mamang kalaban ni Pacquiao ang kinikilala bilang tagapagmana ng pangalan ni Julio Cesar Chavez. Mga sandali kung bakit siya ang tinaguriang pinakamahusay na mehikanong manlalaro ng kanyang henerasyon. Nakita sa rounds1 at (lalo na, sa round) 5 ito, bagamat limitado, ang bagsik ng kanyang panukat para sa mga perpektong counter-punches, mga kumbinasyong nakakapagpalito, at mga footwork na nakapagdidikta ng takbo ng laban. Tumatama subalit parang hindi iniinda. Mga marka ba iyon ng katandaan? Mga lamat ng maraming pinagdaanang giyera? o sadyang matibay lamang ang kalaban? Huh! Kung nagtagpo lamang sa parehong edad at naging magkapanabayan ang dalawang boksingerong iyon, maaaring iba ang naging kinalabasan ng laban.

Ang rounds 6 hanggang matapos, maliban lamang sa round 8, ay purong palabas ni Pacquiao. Hindi na niya nasasabayan ang ipo-ipong suntok. Wala na sa lugar at perpektong sandali ang mga footwork at counter-punches. Mga tanda na hindi na siya lumalaban upang manalo. Naglalaro na lamang siya upang makumpleto ang buong distansya ng nakatayo sa kanyang mga paa. Sumusuntok upang manatiling buo ang hangarin na hindi lubusang masaktan.

Ang hindi lubusang masaktan. Iyon na ang naging laban niya. Sapagkat hindi ko alam kung bakit patuloy pa ring pinapayagang lumaban ang boksingerong ito na nagkaroon ng operasyon sa ulo. Hindi lamang simpleng gamutan kundi isang todong operasyon. Kinailangang buksan ang kanyang utak, tanggalin ang mga namuong dugo at patungan ng titanium plate ang bahagi ng bungong tinanggal. Sa kanyang kalagayang medikal, isang tahasang paghamon kay kamatayan ang pagharap sa isang Manny Pacquiao sa ibabaw ng ring. Dalawa ang kanyang kalaban: ang pinakamalas sumuntok sa timbangan ng pound-for-pound at ang babasaging kalagayang medikal.

Kung hindi puso at tapang ang tawag doon, hindi ko alam. At matapos nga ang tantyahan sa unang anim na rounds, tamang desisyon lamang na umiwas sa mga natitirang rounds. Sapagkat kung may boksingero sa kanyang weight reach na may kakayahang magbigay na permanenteng lamat sa katawan niya, o maging ng kamatayan, ito ay si Pacquiao.

Lumaban ba siya hindi upang manalo? Anuman ang sagot ay ayos lang; ang huling parada patungo sa Hall of Fame ay magandang laban pa rin.

No comments: